Ang mga Matalinong Dalaga ay Naririnig ang Tinig ng Diyos at Sinasalubong ang Panginoon
Mga Talata ng Bibliya para sa Sanggunian
"Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake. ... Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. ... Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya. Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan. ... At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan" (Mateo 25:1-10).
"Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko" (Pahayag 3:20).
"Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia" (Pahayag 2:29).
"Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin" (Juan 10:27).
"Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan: Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan" (Mateo 7:7-8).
"Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit" (Mateo 5:3).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos
Dahil dito, yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas ng Diyos-sapagka't kung saan man naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saan man naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saan man naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saan man nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap ng mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang "Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay." At kaya, ang maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, hindi sila naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo pang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga pagkaintindi ng tao, lalo pang hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang kanyang payo, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga pagkaintindi. Hindi dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyon, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga pagkaintindi. Sa halip, dapat ninyong itanong kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos; ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
-mula sa "Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan"
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbabago bawat araw, pataas nang pataas sa bawat hakbang; ang pahayag ng bukas ay mas mataas pa kaysa sa ngayon, isa-isang hakbang ay umaakyat nang lalo pang mataas. Ganyan ang gawain kung saan ay ginagawang perpekto ng Diyos ang tao. Kung hindi makakasabay ang tao, siya ay maaaring maiwan sa anumang sandali. Kung ang tao ay hindi nagtataglay ng masunuring puso, hindi siya makakasunod hanggang katapusan. Ang dating kapanahunan ay nakalipas na; ito ay isang bagong kapanahunan. At sa isang bagong kapanahunan, ang bagong gawain ay dapat na magawa. Lalung-lalo na sa huling kapanahunan kung saan ang tao ay gagawing perpekto, ang Diyos ay gaganap ng bagong gawain nang lalo pang mas mabilis. Samakatuwid, kung walang pagsunod sa kanyang puso, mahihirapan ang tao na sundan ang mga yapak ng Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga alituntunin, ni itinuturing Niya ang anumang yugto ng Kanyang gawain bilang hindi-nababago. Bagkus, ang gawaing ginagawa Niya ay laging mas bago at laging mas mataas. Ang Kanyang gawain ay nagiging higit na praktikal sa bawat hakbang, paayon nang paayon sa tunay na mga pangangailangan ng tao. Pagkatapos lamang na nararanasan ng tao ang ganitong uri ng gawain na maaabot niya ang huling pagpapabago ng kanyang disposisyon. Ang kaalaman ng tao sa buhay ay umaabot sa lalo pang mas mataas na mga antas, kaya't ganoon din ang gawain ng Diyos ay umaabot sa lalo pang mas mataas na mga antas. Sa ganitong paraan lamang na magagawang perpekto ang tao at nagiging angkop para sa paggamit ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan sa isang banda upang salungatin at baligtarin ang mga pagkaunawa ng tao, at sa kabila ay upang akayin ang tao tungo sa isang mas mataas at mas makatotohanang kalagayan, tungo sa pinakamataas na dako ng paniniwala sa Diyos, upang sa katapusan, ang kalooban ng Diyos ay magagawa. Lahat niyaong may kalikasang masuwayin na sadyang sumasalungat ay maiiwan sa likuran ng yugtong ito ng mabilis at mahigpit na sumusulong na gawain ng Diyos; tanging yaong mga bukal-sa-kaloobang sumusunod at nagagalak na nagpapakumbaba ang makakasulong hanggang sa katapusan ng daan. Sa uring ito ng gawain, lahat kayo ay dapat matuto kung paano magpasakop at kung paano isantabi ang inyong mga pagkaunawa. Dapat kayong maging maingat sa bawat paghakbang ninyo. Kung pabaya kayo, tiyak na kayo ay magiging isang tinatanggihan ng Banal na Espiritu, isang gumagambala sa Diyos sa Kanyang gawain.
-mula sa "Yaong mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos"
Lahat niyaong nakakasunod sa kasalukuyang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi alintana kung paano sila dati, o kung paano dating gumawa ang Banal na Espiritu sa loob nila-yaong mga nagkamit na sa pinakahuling gawain ng Diyos ay ang mga pinakapinagpala, at yaong mga hindi nakakasunod sa pinakahuling gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong nakakatanggap sa bagong liwanag, at nais Niya yaong mga tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakahuling gawain. Bakit sinabi na dapat kang maging isang dalagang malinis? Nagagawa ng isang dalagang malinis na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at nauunawaan ang mga bagong bagay, at higit sa rito, nagagawang isantabi ang dating mga pagkaintindi, at sinusunod ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupo ng mga taong ito, na tumatanggap ng pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang anyo ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupo ng mga taong ito.
-mula sa "Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak"
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang "sumunod sa Kordero saan man Siya pumaroon." Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng totoong daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na "si Jehova ang Diyos" at "si Jesus ang Cristo," na mga katotohanan na nailalapat lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga't ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan?
-mula sa "Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao"
Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya ipinalalagay ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang gawaing ayon sa Kanyang plano, nang hindi napipigilan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip na itong anyo, o marahil tinatanggihan sa iyong saloobin ang anyong ito, o marahil ang bansa kung saan ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang Sarili at sa mga tao kung kanino ibinubunyag ang Kanyang Sarili ay sadya lamang hindi kinalulugdan ng lahat at sadya lamang na ang pinaka-napag-iiwanan sa lupa. Nguni't ang Diyos ay may Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nagtamo na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ng isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap-isang grupong nalupig Niya, na, dahil natitiis ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, malaya mula sa mga paninikil ng kahit na anong anyo o bansa, ay upang makaya Niyang matapos ang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea, ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni't naniwala ang mga Judio na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging katawang-tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang "imposible" ang naging batayan ng kanilang paghatol at pagkontra sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni't sila rin ang bumabatikos sa Kanyang pagpapakita; ang kanilang "imposible" ang muling nagkukulong ng pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumubunghalit sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni't hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pambabatikos at pagsalangsang ng mga Judio? Hindi kayo nagpipitagan sa harap ng katotohanan, lalong hindi ninyo hinahangad ang katotohanan. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Maaari kayang makuha ninyo ang personal na patnubay ng Diyos? Kung hindi mo matatalos ang mga pagbigkas ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saan man nagpapakita ang Diyos, naroon ang pagpapahayag ng katotohanan, at naroroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Isantabi mo nga ang iyong mga pagkaintindi! Huminto at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka para sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Isantabi mo nga ang iyong mga pananaw tungkol sa "imposible"! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka't ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas pa sa kakayanan ng pag-iisip at pagkaintindi ng tao. Mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; mas lampas sa pagkaintindi at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang sangkap ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatiran, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, at inuumpisahang sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at pagpasok tungo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!
-mula sa "Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan"
______________________
Malaman ang higit pa: